PUERTO PRINCESA, Palawan, (PIA) – Ibat-ibang aktibidad ang isinasagawa sa lungsod sa loob ng isang linggo kaugnay ng pagdiriwang ng Puerto Princesa Underground River (PPUR) Day.
Ngayon ang ikatlong taon ng pagdiriwang ng PPUR Day mula nang maluklok ang Puerto Princesa Subterranean River National Park o mas kilala sa tawag na Puerto Princesa Underground River bilang isa sa New Seven Wonders of Nature.
Ang PPUR Day ay naideklara sa pamamagitan ng resolusyon bilang 294-2013 na humihiling kay Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron na ideklarang PPUR Day ang Nobyembre 11 bawat taon.
Ayon kay Beth Maclang, PPUR Park Superintendent, mula pa noong Nobyembre 3 nagsimula na ang mga aktibidad sa pagdiriwang ng PPUR Day sa pamamagitan ng 2nd Puerto Princesa Subterranean National Park Bird Photography Race na nagtapos noong Nobyembre 06.
Mayroon din Search for PPUR Ecotourism Ambassador 2016, tree planting activity, medical and dental mission, community parade at drum and lyre competition at ang PPUR Community Based Tourism Fair na ginaganap sa Robinsons Place Palawan.
Pinakatampok sa PPUR Day ay ang Street Dancing Competition na lalahukan ng iba’t-ibang paaralan gayundin ng mga koponan mula sa piling mga barangay sa lungsod, magkakaroon din ng Float Competition at Costume Competition (Office Category) mula sa pamahalaang lungsod ng Puerto Princesa, dagdag pa ni Maclang.