Apat na hinihinalang drug pushers ang napatay sa magkakahiwalay na buy-bust operations na isinagawa ng mga pulis sa Quezon City, Manila, at Navotas City magmula noong Biyernes hanggang kahapon ng umaga.
Sinabi ni Senior Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, Quezon City Police District (QCPD) director, na naptay sina Charlie Lorenzo alias “Balugoy” at Telemaccus Esmilla alias “Pati” nang manlaban sa mga miyembro ng Anti-illegal Drugs-Special Operations Task Group (DAID-SOTG) sa buy-bust operation sa Banawe Panalturan St., Barangay Manresa, Quezon City, bandang 1:15 a.m. kahapon.
Nakuha ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) kay Lorenzo ang isang sling pouch na naglalaman ng apat na pakete ng shabu, P4,500 halaga ng marked money, at P200 cash.
Na-recover din sa crime scene ang dalwang .38-caliber revolvers na walang serial numbers.
Sa Manila, patay din ang isang drug suspect na nakilalang si Reynaldo Mendes, 41, nang tangkain niyang paputukan ng baril ang police operatives sa kasagsagan ng buy-bust operation sa Hermosa Street, Tondo, dakong 9:45 p.m. nitong Sabado.
Ayon sa police report, napilitang barilin ni PO1 Jay Angeles, miyembro ng Anti-Illegal Drug Unit ng Jose Abad Santos Police Station, si Mendes nang akmang puputukan sila nito ng improvised shotgun.
Ganito rin ang sinapit ng suspected drug pusher na si Reynaldo “Balistong de Vera, 31, nang manlaban sa mga pulis na nagkasa ng patibong laban sa kanya sa Navotas Ctiy bandang 6:30 p.m. noong Biyernes.
Base sa imbestigasyon, naganap ang insidente malapit sa C3 Bridge sa Barangay North Bay, Boulevard South.
(Francis T. Wakefield, Betheena Kae Unite, Jel Santos)