ANTIPOLO, Rizal (PIA) – Mahigit 5,000 mag-aaral mula sa pribado at pampublikong paaralan ang sumailalim sa Drug Abuse Prevention Education Seminar ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa direktiba ni Mayor Jun Ynares, mula Enero hanggang Agosto ngayong taon.
Layon ng seminar na itatak sa isipan ng mga kabataan na nakakasira ng buhay ang pagdodroga.
“Ang iligal na droga ay napakalaking suliranin sa ating bansa kaya naman nakatutok ang mga proyekto ng ating pamahalaang lokal sa pagsugpo nito. Nauna na po tayong bumuo ng konseho na gagabay at magpapangaral sa ating mga kabataan sa pag-iwas sa bawal na gamot. Kaugnay dito ay ang pagpapagawa natin ng rehabilitation center para sa ating mga kababayang nais magbagong buhay,” sabi ni Mayor Ynares.
Umabot sa 15,000 estudyante na ang dumaan sa Anti-Drug seminar mula taong 2015 kung saan itinuro sa kanila ang maaaring gawin upang maiwasan ang paggamit ng droga. Idinagdag naman ngayong taon ang pagbibigay ng seminar sa mga magulang ng mga mag-aaral upang sila mismo ang gumabay sa kanilang mga anak.
Pinalakas din ang pagpapatupad ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) upang mapabilis ang pagpuksa sa iligal na droga.