CABANATUAN (PIA) – Humigit 100 Micro, Small and Medium Enterprises at mga mag-aaral sa Nueva Ecija ang libreng natuto sa katatapos na seminar ng Department of Trade and Industry o DTI ukol sa pagnenegosyo.
Ayon kay Richard Simangan ng DTI Provincial Office, ito ay kabilang sa mga libreng isinasagawa na mga kasanaya’t pagtuturo ng tanggapan para sa mga nangangailangang kababayan na interesado sa larangan ng pangangalakal.
Dito ay inimbitahan ng DTI na maging tagapagturo ang kilalang speaker, entrepreneurship advocate, Go Negosyo Angelpreneur at President ng VCargo Worldwide na si Ginoong Paulo Tibig.
Tinalakay ni Tibig sa maghapong aktibidad ang mga dapat taglayin at tandaan ng mga nagnanais pumasok at nagsisimula pa lamang sa negosyo bilang kanilang maging gabay sa wastong pangangasiwa ng hanapbuhay.
Kaniya ding binigyang diin ang kahalagahan ng pagpaplano, pagkakaroon ng malawak na pananaw sa kalakalan gaya ang pagsabay sa modernong teknolohiya na makatutulong sa pag-unlad at paggaan ng pamamalakad ng negosyo.