Himalang nabuhay ang isang lalaki matapos na barilin sa ulo at lagyan ng kalatas na nagsasabing siya’y isang drug pusher sa Sta. Mesa, Manila, noong Martes ng gabi.
Inaalam pa ng police ang pangalan ng biktima na nagpapagaling ngayon sa Philippine General Hospital matapos na sumailalim sa operasyon dahil sa tama ng bala sa ulo.
Base sa police report, ang biktima ay nasa edad na 30 hanggang 35, maputi, at katamtaman ang pangangatawan. Nakasuot siya ng black shirt at white denim shorts nang maganap ang insidente.
Ayon sa isang testigo, nakita niyang nakabulagta at duguan sa kalsada ang biktima matapos niyang makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril sa Zamora Interlink Bridge.
Isang pirasong papel ang nakita sa tabi ng biktima na may nakasulat na “Wag tularan pusher ako.” Isinugod ng mga miyembro ng Bacood Police Community Precinct ang biktima sa Philippine General Hospital kung saan siya sumailalim sa operasyon kahapon. Inaalam pa ng police ang pangalan ng biktima. (Jaimie Rose R. Aberia)