Naglaan ng P200,000 reward ang pamilya ng pinaslang na No.1 councilor ng Magsingal, Ilocos Sur para sa agarang ikalulutas ng kaso.
“The reward is considered initial as we are expecting the local government unit of Magsingal as well as the provincial government to add on it to further encourage the witnesses to help shed light the shooting incident,” sinabi ni Chief Insp. William Nerona, spokesman ng Ilocos Sur police provincial office, sa isang statement.
Matatandaang binaril at namatay ang biktimang si Freddie Arquero, 55, residente ng Barangay San Lucas, habang hinihintay ang mga kapwa motorcycle riders sa national highway sa Barangay San Basilio sa naturang bayan noong nakaraang Linggo.
Tumakas ang mga suspects na sakay ng motorsiklo. Dinala ang biktima sa hospital kung saan siya binawian ng buhay.
Bumuo ng task force ang PNP upang tugisin ang mga suspect. Inaalam na ng “Task Force: Arquero” ang motibo ng insidente.
Kinondena naman ng Philippine Councilor’s League-Ilocos Norte chapter, ang pagpaslang kay Arquero.
“We are also seeking the immediate solution of the killing incident to give justice to the bereaved family,” sinabi ni Provincial Board Member Nestor Itchon, pangulo ng samahan, sa isang pahayag. (Freddie G. Lazaro)