MALOLOS, Bulacan (PIA) – Nadadaanan na nang diretso ang Viola Highway sa may barangay Coral na Bato sa bayan ng San Rafael matapos makumpleto ng Department of Public Works and Highways o DPWH ang ginawang concrete reblocking.
Ang Viola Highway ay isang segment ng ginawang 3rd Bulacan Circumferential Road na nagsisilbing farm-to-market road sa mga magsasaka at maggugulay sa naturang munisipalidad.
Ayon kay Lalaine Cawili ng DPWH, may halagang 46.9 milyong piso ang ginugol dito mula sa pambansang badyet ng 2016.
Tamang-tama aniya ang pagkukumpleto ng concrete reblocking sa Viola Highway dahil kabilang ito sa mga posibleng maging alternatibong daan kapag tuluyan nang isara sa lahat ng motorista ang tulay ng Sta. Lucia para sa gagawing rehabilitasyon.
Nagsisilbi rin kasing access road ito mula sa Daang Maharlika patungong San Rafael-Angat Provincial Road na papunta rin sa bayan ng Donya Remedios Trinidad.