ANTIPOLO, Rizal (PIA) – Nagkaisa ang Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pangunguna ni Mayor Jun Ynares, at ang 16 barangay sa pagtulong sa pagbabagong buhay ng mga drug surrenderees matapos ipasa ang Barangay Resolution No. 2016-003 na nagbubuo ng SIPAG (Simula ng Pag-asa).
Nakapaloob sa resolusyon ang pagsasailalim sa 12 na sesyon ng recovery program ang mga drug surrenderees mula sa mga makabuluhang counselings hatid ng mga religious groups sa bansa. Nagmula ang programang SIPAG sa pagtutulungan at kasunduan ng Dangerous Drugs Board (DDB) at Christ’s Commission Foundation Ministries, Inc. (CCF) na nagnanais matulungan ang mga drug dependents sa pagbabagong-buhay.
Ipinaabot ni Mayor Ynares ang kanyang paghanga sa mga drug surrenderees na patuloy na nagtitiwala at nakikiisa sa programang inilaan para sa kanila ng pamahalaan.
Ipinangako niyang ito na ang totoong simula ng kanilang pagbabago kasama ang kanilang pamilya.
Muli namang ipinaalala ni Mayor Ynares na sasagutin ng pamahalaang lokal ang gastusin sa pagpapagamot ng mga qualified drug surrenderees sa private rehab centers habang hinihintay ang pagpapatayo ng sarili nitong rehabilitation center sa lungsod.