Isang binatilyo ang napatay nang makipagbarilan umano sa mga pulis na nagsagawa ng Oplan Galugad sa Quezon City bandang 12:20 a.m. kahapon.
Hindi na umabot ng buhay si Kim Paolo Aguilar, 16, student, ng Sitio Insinirator, Barangay Bahay Toro, sa Quezon City General Hospital dahil sa tinamong tama ng bala sa mukha.
Bago naganap ang insidente, ipinadala ang anti-drug operatives ng Talipapa Police Station (PS-3) sa Sitio Insinarator para magsagawa ng Oplan Galugad matapos makatanggap ng report na talamak ang drug activity sa lugar na iyon.
Habang nag-i-inspection sa lugar, nakita ng mga alagad ng batas si Aguilar na nagsusugal. Nang makita ang papalapit na mga pulis, bumunot ng baril si Aguilar at nagpaputok.
Dito na napilitang gumanti ng putok ang mga pulis at tinamaan ang binatilyo. Nakuha ng mga operatiba sa nasawing biktima ang baril na kargado ng pitong bala.
Si Aguilar ang pinakabatang napatay sa pinaigting na anti-illegal drugs campaign ng Quezon City Police District. Ayon kay Supt. Danilo Mendoza, PS-3 chief, si Aguilar ay anak ng drug pusher na ginagamit siya bilang kanyang runner.
Nakumpirma rin umano nila na gumagamit ng bawal na gamot ang binatilyo. Dalawang oras matapos ang insidente, napatay naman ng operatives ng Masambong Police Station (PS-2) ang isa pang drug suspect na nakilalang si Primo Sigua nang manlaban din sa mga pulis na nagkasa ng buy-bust operation laban sa kanya sa Senador St., Barangay Del Monte.
(Vanne Elaine P. Terrazola)