Ipinrisinta kanina ng Social Security System (SSS) sa Kongreso ang opsyon sa pagpapatupad ng panukalang P2,000 dagdag-pensyon kung saan magbibigay muna ito ng P1,000 karagdagang pensyon sa lahat ng mga pensyonado sa taong 2017.
Panibagong P1,000 dagdag-pensyon ang ipapatupad sa taong 2022 o mas maaga pa kung may mga batas na ipapatupad para dito.
Ayon kay Chair Amado Valdez na bagong-hirang sa Social Security Commission, sinusuportahan ng tagabalangkas ng mga polisiya ng SSS ang mga inisyatibo para itaas ang pensyon sa mahigit dalawang milyong pensyonado ng SSS.
Sa pagdinig na ginanap kanina ng House Committee on Government Enterprises na pinamumunuan ni North Cotobato 1st District Representative Jesus Sacdalan, sinabi ni Valdez, “Batid namin ang sintimyento ng Kongreso na tulungan ang ating mga manggagawa at malugod naming tinatanggap ang kanilang pagkilos para sa mas makabuluhang reporma sa pagbibigay ng pensyon”.
Sinabi ni Valdez sa mga miyembro ng House Committee na pabor ang SS Commission sa pagbibigay ng P1,000 na inisyal na dagdag-pensyon habang hinikayat niya ang Kongreso na magpasa ng mga batas na magpapalakas ng pananalapi ng ahensya.