MALOLOS (PIA) – Kinilala kamakailan ng Cooperative and Development Authority o CDA ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan dahil sa epektibong pamamahala at pag-agapay sa lalong ikauunlad ng mga kooperatiba.
Sa tala ng Provincial Cooperative and Enterprise Development Office, umaabot na sa 9.7 bilyong piso ang kabuuang ari-arian ng mga kooperatiba sa Bulacan, na itinuturing na pinakamataas sa alinmang lalawigan sa bansa.
Ayon kay Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado, hindi napuputol ang pagtulong ng Kapitolyo sa may 278 na mga aktibong kooperatiba at napagkalooban sila ng aabot sa 18.9 milyong piso sa nakalipas na tatlong taon.
Iba pa dito ang kabuuang 6.98 milyon pisong pautang sa mga micro, small and medium enterprises na pawang mga kasapi rin ng mga kooperatiba.
Kaugnay nito, binigyang diin ni Alvarado na sa Bulacan, hindi tinitignan ng mga Bulakenyo ang mga kooperatiba bilang ‘utangan’ kundi kabilikat sa pagsusulong ng negosyo, seguridad sa pagkain, kabuhayan at trabaho.