Patay ang apat na katao habang isa ang sugatan sa magkakahiwalay na insidente ng pamamaril na kinasasangkutan motorcycle-riding hitmen sa Las Piñas City at Taguig City, Lunes ng gabi.
Sinabi ni Southern Police District spokesperson Supt. Jenny Tecson na isang Honorato Ocampo, 54, alias Nionio, painter, ang itinumba ng dalawang nakamotorsiklong lalaki bandang 4:22 p.m. nitong Lunes sa tapat ng kanyang bahay sa Tramo St., Barangay Daniel Fajardo.
Binawian ng buhay ang biktima sa Las Piñas District Hospital dahil sa mga tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Base sa police record, dati nang sumuko si Ocampo sa “Oplan Tokhang” project ng police.
Makaraan ang dalawang oras, dead on the spot naman ang mag-live-in partner na sina Nadja Dumanin, 39, at Vincent Manaluz matapos na pagbabarilin ng dalawang gunmen na nakamotorsiklo habang inaasikaso nila ang customers sa kanilang eatery sa Marcos Alvarez Avenue, Barangay Talon Sinko, Las Piñas.
Timaan din ng bala ang canteen staff na si Ester Doctolero, 37. Isinugod siya sa pinakamalapit na ospital. Base sa Las Piñas police record, sumuko rin ang mag-live-in partner sa “Oplan Tokhang” project.
Sa Taguig City, patay din ang barangay kagawad na si Julius Ceasar Buenaflor, 45, nag barilin sa tiyan ng riding-in-tandem habang nakaupo sa harap ng barangay hall bandang 6:22 p.m. sa Tomasa Avenue, Barangay Ususan, Taguig City. (Jean Fernando)