MALOLOS, Bulacan (PIA) – Kukuha ng mga magsasaka at skilled workers tulad ng welders at construction workers na taga Bulacan ang siyudad ng Ayabe sa Kyoto, Japan.
Ito ang resulta ng katatapos na pagpupulong nina Gobernador Wilhelmino Sy Alvarado at Ayabe City Mayor Zenya Yamazaki.
Sa isang pahayag, nagpasalamat si Alvarado kay Yamazaki sa pagpili sa mga kalalawigan na magbibigay ng trabaho at magpapalakas ng ugnayan ng dalawang bansa.
Kasama ni Yamazaki sa delegasyon ang ilang negosyante sa pangunguna ni Ayabe Chamber of Commerce and Industry Chair Nobuyasu Shiota.
Samantala hiniling ng gobernador sa mga inhinyero ng Angat Hydro Corporation o AHC na mabigyan siya ng mga updates sa isinasagawang pagkukumpuni at pagpapatatag ng Angat dam.
Ginawa ni Alvarado ang pahayag upang masiguro ang katatagan ng nasabing dam na kayanin ang isang malakas na lindol tulad ng nangyari sa New Zealand kamakailan.
Ayon kay AHC Engineer Russel Rigor, sapat ang isang bilyong pisong badyet sa pagkukumpuni at pagpapatatag nito at siniguro ang pagkakabit ng mga modernong kagamitan at teknolohiya upang mabilis na mamonitor ang mga seismic activities malapit dito.
Dagdag pa ni Rigor na sa pagkukumpuni ng dam ay madadagdagan ang lifespan nito ng 50 taon.