MUÑOZ, Nueva Ecija (PIA) – Nilalayon ng Philippine Carabao Center o PCC na madagdagan ang bilang ng mga ipinanganganak na kalabaw taun-taon sa bansa.
Ayon kay PCC Acting Executive Director Arnel Del Barrio, kailangang pagsumikapan pa ang pagdaragdag at pagpaparami ng mga ipinanganganak na kalabaw sa bansa dahil sa lawak ng pangangailangan sa merkado.
Base sa naging tala ng PCC nitong nakaraang taon ay umabot sa 518,465 ang ipinanganak na kalabaw sa bansa bukod pa rito ang kabuuang bilang ng mga alaga ng mga magsasaka na nasa humigit 2.8-Milyong kalabaw.
Ngunit kung ikukumpara aniya sa bilang ng mga kinakatay at namamatay na alaga ay kailangan pag-igihin ang pagpaparami ng kalabaw upang hindi mawala ang buffalo meat sa merkado.
Ipinaliwanag pa ni Del Barrio na taun-taon ay nasa humigit 453,000 kalabaw ang kinakatay para sa meat production samantalang nasa 42,000 ang nasasayang at namamatay na alagang kalabaw.
Kaniya ding nilinaw na bagamat tumigil ang bansa sa pagbili ng imported na kalabaw ay walang dapat ikabahala dahil sapat at dekalidad ang mga semilya ng kalabaw sa bansa na kakailanganin lamang magamit sa pagpaparami.