BATANGAS (PIA) – Isinusulong ng Department of Agriculture Region 4 ang muling pagpapalakas ng industriya ng kape at cacao sa lalawigan ng Batangas.
Sa isinagawang Kapihan sa PIA, sinabi ni DA Batangas Agriculture Programs Coordinating Officer (APCO) G. Fidel Libao na isinusulong ng kanilang tanggapan na muling maibalik sa lalawigan ang pagpaparami ng produksyon ng kape at cacao kung saan dating kilala ang probinsya at ngayon ay hawak na ng probinsya ng Cavite particular sa bayan ng Amadeo.
Isa sa mga hakbang na ginagawa ng DA ay ang pamamahagi ng seedlings nito sa mga grupo at asosasyon na may malalawak na taniman gaano man kalaki bukod pa sa libreng abono na kasama nito.
Sa pamamagitan ng High Value Coordinator mula sa Provincial Agriculture Office ay nakapagbibigay ito ng mga Tips kung paano mapapaganda at mapaparami ang puno ng kape at cacao.
Bukod pa rito, may mga interventions rin ang tanggapan tulad ng pagkakaloob ng mga post-harvest facilities mula sa pagbabalat hanggang sa paggiling ng produkto ng kape at cacao.
Maraming matatandang puno ng kape o ang mas kilala sa lalawigan na Liberica o kapeng barako ang makikita sa mga bayan ng San Jose at lungsod ng Lipa kaya’t gumagawa ng paraan ang tanggapan upang muling mapabata ang mga punong ito at mapakinabangan.
Ayon Kay Provincial Agriculturist Engr. Pablito Balantac, isa sa isinusulong ng pamahalaang panlalawigan ang pagpapataas ng antas ng produksyon ng kape at cacao.
“May mga initial talks na pong ginagawa ang Gobernador Dodo Mandanas para muling buhayin ang industriya ng pagkakape at pagka-cacao. Base sa napakataas ng demand ng cacao sa world market ang Davao lamang ang isa sa mahusay na producer nito, 60% ang naiisuplay nila”, dagdag ni Balantac.