KALIWA’T kanan ang mga pageant saan mang bahagi ng Pilipinas, just because we Filipinos love beauty pageants.
Different status or profession in life ang mga sumasali sa prestigious pageants na ito. May pulis, may estudyante, professional models, celebrity, guro at iba pa. Yung iba ginagawa nilang exposure at stepping stone ang pagsali sa ganitong klase ng personality contest.
Another wannabe from Nueva Ecija is trying his luck in the country’s premier model search, “Body Shots 2016,” now revived on its 30th year. Siya ay si Renz Maun, isang magsasaka sa inuupahan nilang lupa sa kanyang home province.
He is one of the front-runners sa Body Shots 2016.
Hindi na bago sa pagsali sa mga ganitong search si Renz dahil naging 2nd runner-up siya noon sa Mr. Manhunt International Philippines 2013. Nguni’t gaya nila Miss Universe Pia Wurtzbach at Miss International Kylie Verzosa naging mailap na palarin siya bago makuha ang title.
“After 2013 huminto muna po ako sa pagsali sa mga national contest dahil nag-concenrate muna ako sa pag-aaral at tumulong ako sa nanay ko sa pagtitinda sa palengke at pagsasaka,” sabi ng tall, dark, and handsome Novo Ecijano. Sa taas na 6 feet, pangarap niyang maging model at pasukin ang showbiz industry. Idol niya sina Coco Martin at Maja Salvador.
Kaga-graduate lang ni Renz ng BS Agriculture. This time, desidido na siyang harapin ang future niya.
Workout, diet, basketball at mountain climbing ang ginagawa niya bilang paghahanda sa competition. Bukod dito’y nakakatulong din daw ang pagiging positibo sa buhay. Ang kalsada naman ang nagsisilbing malaking stage sa kanyang pagsasanay sa pagrampa.
“Sa pagsali ko rito sa Body Shots, ang inspirasyon ko po ay ang nanay ko, ang tatay ko na hirap nang maglakad dahil sa rayuma at may hika pa, pamilya ko at mga kaibigan. Nagbabakasakaling suwertehin dahil gusto ko po makatulong sa amin. May mga tao po akong gustong tulungan.
“Doon po sa pinupuntahan kong bundok sa Pantabangan, Sitio Maluyon sa Nueva Ecija, may mga tao po dun na kailangan ng tulong pinansyal para sa lupang taniman,” inihayag niya.
Ang Body Shots ay presented ng Fashion Designers Association of the Philippines (FDAP). Tumagal ang contest ng ilang taon at biglang nawala nguni’t ngayon ay nagbabalik. Produkto ng nasabing search ang celebrities na sina Eric Quizon, Lauren Dyogi, John Estrada, Zanjoe Marudo, Ricardo Cepeda, Francine Prieto, Lauren Novero, Reggie Curly, and Edwin Uy.
Gaganapin ang finals ng Body Shots 2016 sa Nov. 30, 2016, 7 p.m., sa Expo Hall, Fisher Mall, QC. (Dante A. Lagana)