ROMBLON, Romblon (PIA) – Pinangunahan ng Philippine Coconut Authority (PCA) katuwang ang Office of the Municipal Agriculturist (OMAg) – Romblon ang pamamahagi ng 640 sako ng pataba o abono sa niyog para sa mga magsasaka ng niyog sa bayan ng Romblon.
Sinabi ni Hazel B. Noche, coconut development officer ng PCA-Romblon, na malaki ang maitutulong nito sa mga magsasaka sapagkat kaya nitong pataasin sa unang aplikasyon sa niyugan ng halos 25 porsiyento ang pamumunga ng bawat niyog, mas higit na napapatigas ang laman ng mga bunga at nababawasan ang moisture content nito dahilan para mas maging mabigat ang bawat niyog.
Kanya ring ipinaliwanag sa mga magsasaka ang tamang paraan ng paggamit ng salt fertilizer na bukod sa mas mura ay mas may higit na benepisyong hatid sa mga magtatanim ng niyog.
Nagpahayag naman ng pasasalamat ang mga magsasaka mula sa Bgy. Sawang at Bgy. Mapula sa pagtugon ng PCA sa kahilingan na mapagkalooban ng mga pataba bilang ayuda ng pamahalaang nasyunal sa mga nasirang puno ng niyog ng mga nagdaang kalamidad.