Ibinunyag ng Armed Forces of the Philippines kahapon na 11 suspected drug pushers at addicts ang naaresto sa anti-illegal drug operations sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao noong Miyerkules.
Nasamsam sa mga suspects, ayon kay Army Major Filemon Tan Jr., spokesman ng Armed Forces of the Philippines Western Mindanao Command, ang mga high-powered firearms, drug paraphernalia, at suspected shabu na nagkakahalaga ng P205,914.
Natimbog ng 1st Mechanized Infantry Battalion at 1st Mechanized Brigade, Mechanized Infantry Division, Philippine Drug Enforcement Unit-Autonomous Region in Muslim Mindanao, at Philippine National Police Datu Odin Sinsuat sa bisa ng mga search warrants sina Aya Balabaran, alias “Commander Biente,” sa Barangay Kusiong, Datu Odin Sinsuat, at Lamie Mamasabakulod, alias “Commander Lawin,” barangay kagawad ng Tapian, Datu Odin Sinsuat.
Narecover kay Balabaran at kanyang kasama umanong si Normina Abdula Tampugao ang mga pakete ng hinihinalang shabu.
Kasamang naaresto ni Mamasabakulod sa Barangay Tapian si Almendras Sanday Mama Jr.
Nasamsam sa dalawa ang hinihinalang shabu, drug paraphernalia, mga baril, at bala.
Kasama ding nahuli sa operation ang pitong hinihinalang drug addicts.
Nakakulong ang mga suspects sa PDEA Regional Office-ARMM. (Francis T. Wakefield)