Nakumpiska sa dalawang babae ang 200 grams ng shabu na nagkakahalaga ng P600,000 sa isang buy-bust operation na isinagawa ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa lungsod kahapon ng hapon.
Kinilala ng QCPD ang mga naaresto na sina Camille Villanueva at Melany de Jesus. Ikinasa ng QCPD’s anti-drug unit (DAID) ang patibong bandang 12:15 p.m. sa isang fastfood chain sa Roces St. kanto ng Quezon Avenue sa Barangay Paligsahan matapos makumpirma na sangkot ang dalawa sa pagbebenta ng illegal drugs sa Metro Manila.
Ayon sa police, si De Jesus ay asawa ng isang Chinese national na nakakulong ngayon sa Bicutan, Taguig, dahil sa drug charges. Agad na dinakip ang dalawang babae matapos nilang maibigay sa police poseur-buyer ang P292,000 para sa 200 grams ng shabu. (Vanne Elaine P. Terrazola)