Dalawang bangkay na pinaniniwalaang biktima ng summary execution ang itinapon sa Makati City kahapon ng umaga.
Ayon kay Southern Police District spokesperson Supt. Jenny Tecson parehong nakalagay sa black plastic bags ang bangkay ng dalawang ng lalaki na natagpuan ng isang residente bandang 1:08 a.m. sa kanto ng Estacion at Arnaiz Sts., Barangay Pio del Pilar.
Nakatali ang mga kamay at paa at nakabalot ng packaging tape ang mukha ng mga biktima. Nakita sa tabi ng mga bangkay ang mga placards na may nakasulat na “# nagmahal, nasaktan, nagdroga, nakarating”; at “# nagmahal, magbayad ng kita, nagtulak-napatay.”
Suspetsa ng police investigators na pinatay ang mga biktima sa mismong lugar kung saan sila natagpuan dahil na-recover doon ang mga basyo at tingga ng bala mula sa .45-caliber pistol. (Jean Fernando)