Inamin ng mga Birit Queens na sina Radha, Frenchie Dy at Bituin Escalante na minsan ay naging biktima na sila ng tinatawag na “body shaming” o ang pagkutya sa hugis ng katawan nila.
Nag-share ng kanilang kuwento ang tatlo tungkol sa naranasan nilang body shaming sa press launch ng kanilang show sa Theatre at Solaire na “The Big Big Show” na itatanghal na sa Dec. 3.
Para kay Frenchie Dy, hindi na raw siya nasasaktan kapag may nagsasabing mataba siya. Bata pa lang daw siya ay tanggap na niyang may kalakihan talaga ang katawan niya.
“Kaya growing up, never kong na-experience ’yung naging payat ako. That’s why immune na ako sa mga basher ng figure ko kasi proud naman ako sa katawan ko.
“Kasi noong mag-audition ako sa ‘Star in a Million,’ may nagsabi sa akin na huwag na lang daw akong mag-try kasi mataba ako. Pero sinubukan ko pa rin. Tapos nanalo pa ako, ’di ba?”
Para kay R&B singer at theater actress Bituin, hindi niya pinapalampas ang sinumang manlait sa kanya.
“I really call them out. Kapag may tumawag sa aking mataba, tatanungin ko kung ano ang problema niya sa akin?
“It’s a given na mataba ako. Hindi naman ako nag-iilusyon na kakorte ko ng katawan si Anne Curtis, ’di ba? This is me and I was born with this type of body.
“I tell them outright na hindi maganda ang ginagawa nila.
“Para sa akin, never akong nahiya sa katawan ko. I am proud of it and I feel beautiful with this body.”
Para kay Radha, mas emotional ang kuwento niya kapag napag-uusapan ang katawan niya.
“Ako naman kasi galing ako sa pagiging payat noon.
“If you can remember, when I was with the group Kulay, I was very fit. May abs pa ako noon.
“But then depression hit me. My marriage crumbled. Doon ko na siguro napabayaan ang katawan ko.
“Kaya when people saw me again after so many years, nagulat sila kasi hindi ganito noon ang figure ko.
“But in recent years, I’ve learned to accept who I am. Vulnerable as I am, I said to myself that I will make this body work to my advantage.
“Kahit na ganito na ang figure ko, so what? People will love me for the music that I sing and for who I really am.”
(RUEL J. MENDOZA)