MINDORO: Apat na barangay na kinabibilangan ng mga barangay ng Biga, Nag-Iba 1, Tawagan at Navotas ang ideneklarang drug-free barangays sa lungsod kamakailan.
Ayon sa ulat ng City Information Office, ang barangay Biga na kung saan ito ay “point of exit and entry” ay napatunayan ng ahensya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Mimaropa, Calapan City Police, barangay officials, paaralan at religious sector na malinis sa usaping droga gayundin ang tatlo pang nabanggit na mga barangay.
Ayon kay Engr. Alfredo Lupig ng PDEA, lahat ng nabanggit na barangay ay sumailalim sa masusing ebalwsyon at lumabas ang resultang pinagsama sama na nagpapatunay na drug-free ang mga nabanggit na barangay.
Sinabi ni Calapan City Chief of Police, Police Superintendent Jonathan Paguio na hindi halos tumitigil ang kanilang buong pwersa at tanggapan upang ikutin ang bawat barangay gayundin ang pakikipag-ugnayan sa mga opisyal kaugnay pa rin sa programang Oplan Tokhang.
Patuloy pa silang nagpapatupad ng kanilang proyektong Double Barrel hanggang makapagdeklara pa ng ibang barangay na drug-free. Samantala, sa mensahe ni Philippine National Police (PNP) Provincial Director Police Senior Superintendent Christopher C. Birung, ang ginagawa nila sa buong Oriental Mindoro ay seremonya ng pakikipaglaban sa droga.