Inanunsyo ng Social Security System (SSS) na naglabas ito ng kabuuang P7.2 bilyon para sa 13th month pension ngayong taon na makukuha ng mga pensyonado simula ngayong araw kasabay ng pagdiriwang ng kapaskuhan.
Sinabi ni SSS Officer-in-Charge ng Benefits Administration Division Normita M. Doctor na makikinabang sa benepisyo ang mga pensyonado ng SSS sa ilalim ng Social Security (SS) at Employees’ Compensation (EC) programs, maliban sa mga partial disability pensioners na tumatanggap ng pensyon ng hindi lalagpas sa 12 buwan.
Makakatanggap din ng karampatang 13th month na benepisyo ang mga dependents tulad ng mga anak na menor de edad.
“Maliban sa maagang pagbibigay ng 13th month pension, kasabay nilang tatanggapin ang regular na pensyon para sa buwan ng Disyembre, na batay sa kanilang contingency date.
Halimbawa, kung nag-retiro ang miyembro noong Hulyo 19, sa Disyembre 19 niya makukuha ang retirement pension,” sabi niya.
Idinagdag ni Doctor na Nobyembre 14 pa lamang ay inilabas na ng SSS ang pondo sa mga partner banks nito upang makuha ng mga pensyonado ang karagdagang benepisyo sa kanilang personal na bank accounts o tseke na ipinadala na din sa Philippine post office sa pamamagitan ng koreo.