Puno ng pasasalamat si Vice Ganda sa tinatamasang tagumpay ng blockbuster hit movie nila ni Coco Martin na “The Super Parental Guardians.”
Record-breaking ang first day gross nitong P75 million. And as of 12 nn ng December 5 o sa loob ng limang araw ay kumita na ang pelikula ng P250 million.
Intended dapat ang pelikula para sa 2016 Metro Manila Film Festival, pero hindi nga ito pumasa sa panlasa ng MMFF selection committee kaya hindi ito napasali sa walong official entries na mapapanood sa Pasko, December 25.
Sa halip ay inagahan ang showing nito na itinapat sa isa pang national holiday, ang Bonifacio Day, November 30.
Dumagsa naman ang mga manonood sa mga sinehan para sa maagang Pamaskong ito nina Vice at Coco kasama rin ang breakout child stars na sina Onyok Pineda at Awra Briguela.
“Ang sarap dahil ito ’yung pagpapatunay na mahal na mahal pa rin nila ako, na giliw na giliw pa rin sila sa paraan ng pagpapatawa ko. They look forward to seeing me sa big screen, na nae-excite sila na panoorin ang pelikula ko na kahit hindi filmfest, e interesado pa rin silang panoorin. Kahit hindi filmfest e panonoorin pa rin nila at aagahan pa rin nila ’yung panonood,” sabi ni Vice.
Malaking bagay para kay Vice na kahit hindi filmfest ipinalabas ang pelikula ay kumita pa rin ito ng malaki. “At saka lagi akong binabatuhan ng tsikang ‘Salamat filmfest ka!’ Kumbaga nakiki-ride daw ako sa filmfest kaya malaki ’yung kinikita ng pelikula mo, kaya topgrosser ka, nakiki-ride ka lang sa popularity ng filmfest. Palaging sinasabi na subukan niyang gumawa ng non-filmfest entry. E meron na naman akong nagawang non-filmfest dati na kumita. ’Yung unang ‘Praybeyt Benjamin,’ ‘This Guy’s In Love With U Mare,’ ‘Petrang Kabayo.’’’
So, sa tingin niya ba blessing in disguise ang malaking tagumpay na tinatamasa ngayon ng kanyang pelikula? “Yeah, oo, this is a big blessing in disguise.”
Vindication din ba ito? “Ayoko na ’yung vindication, blessing in disguise na lang.”
Sampal ba ito sa MMFF committee? “Ayoko ring sabihin iyan. Sa gitna ng tagumpay na ito ayoko nang magmaasim pa.’’
Sa direksyon ni Bb. Joyce Bernal, ang “The Super Parental Guardians” ay palabas pa rin sa mahigit 250 cinemas nationwide. (GLEN P. SIBONGA)