Magiging malala pa ang holiday traffic sa mga darating na araw. Base sa survey ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), nagsimula nang tumaas ang bilang ng mga sasakyan sa mga pangunahing daanan sa Metro Manila.
Ayon sa tala ng MMDA, umaabot na sa 166,357 ang bilang ng mga sasakyan, kasama na ang mga motorsiklo, ang dumadaan sa 23-kilometer stretch ng EDSA simula noong November 9, 2016.
Sa bilang na ito, 132,667 ay mga pribadong sasakayan. Sa survey na isinagawa noong December 21 ng nakaraang taon, naitala ng MMDA na may 161,248 sasakyan ang dumaan sa EDSA, karamihan din ay mga pribadong kotse.
“This only means that as early as a month before Christmas, the volume of vehicles plying EDSA had already reached the level of last year’s number of vehicles,” sabi ni MMDA officer-in-charge Tim Orbos.
Dahil sa inaaasanang mas mabigat na daloy ng trapiko habang papalapit ang araw ng Pasko, sinabi ni Orbos na patuloy na ipinatutupad ng Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT) ang mga traffic measures para maging maayos ang takbo ng mga sasakyan sa Metro Manila. (Anna Liza Villas-Alavaren)