BLESSING in disguise para kay Superstar Nora Aunor na hindi nakapasok sa MMFF last year ang pelikula niyang “Kabisera.” Ngayong taon lang nakapasok ang nasabing pinagbibidahan niyang pelikula bilang isa sa walong official entries ng 2016 Metro Manila Film Festival.
Sinubukang ipasok ang “Kabisera” noong MMFF 2015, kung saan script pa lang ang pinagbasehan ng selection committee sa pagpili ng entries, pero hindi ito pinalad na mapabilang sa official entries. Ngayong taon, nagbago ang rules gayun din ang criteria sa pagpili ng entries, at pinalad na nakapasok ang “Kabisera” sa MMFF 2016.
“Dapat nga ito ay noong nakaraan (MMFF), pero hindi tayo pinalad. Blessing iyon na hindi nakasali itong pelikulang ito noong nakaraan, sapagkat mas lalong napaganda, napabuti. Ang Diyos naman alam kung ano ang gagawin at nakikita Niya kung anong mga dapat ituro sa mga tao,” sabi ni Nora.
Ano naman ang masasabi niya sa pagbabagong ito sa MMFF? “Alam mo kasi, noong nakaraan, nasanay ang mga tao sa comedy, sa mga pambatang pelikula. At biglang nagkaroon ng desisyon na maka-pili sila ng mga dekalidad na pelikula na kasali sa Metro Manila Film Festival. Ang sa akin, nakakatuwa sapagkat ilang taon ding nawala ang mga dekalidad na pelikula na napapanood sa festival. Nawala iyon ng ilang taon at ngayon ay naibalik nila ulit.”
Ano naman ang reaksyon niya sa mga nagsasabing wala raw big stars ngayon sa MMFF 2016? “Kung walang big stars, kanya-kanyang opinyon ng tao ‘yan. Kung walang big stars, anong isasama ng loob natin? Wala naman tayong dapat patunayan sa kanila.”
Wala na nga namang dapat patunayan pa ang nag-iisang Superstar na kung tagurian ng “The Hollywood Reporter” ay “The Grand Dame of Philippine Cinema.”
Kasama rin sa cast ng “Kabisera” sina Ricky Davao, Jason Abalos, JC de Vera, Victor Neri, Karl Medina, Ronwaldo Martin, Kiko Matos, RJ Agustin, Alex San Agustin, Perla Bautista, Ces Quesada at Menggie Cobbarubias. Sa direksyon nina Arturo San Agustin at Real Florido, ang “Kabisera” ay official entry ng Firestarters Productions sa MMFF 2016 at mapapanood ito sa mga sinehan nationwide simula sa Pasko, Disyembre 25. (GLEN P. SIBONGA)