BATANGAS (PIA) – Halos 8,000 delegado sa iba’t-ibang paaralan sa Calabarzon ang dumagsa rito upang makibahagi sa tatlong araw na regional schools press conference na ginanap sa Batangas City Sports Coliseum noong Disyembre 5-7.
Sinimulan ang aktibidad sa pagkanta ng Calabarzon Hymn kasunod ng pagsayaw ng mga miyembro ng Batangas City Government Employees Dancers at pagwagayway ng mga watawat ng mga kalahok na lokal na pamahalaan.
Itinampok din dito ang tradisyunal at modernong Subli at Polka sa Nayon na kilalang mga katutubong sayaw ng mga Batangueno.
Ayon kay Batangas City Schools Superintendent Donato Bueno, naging punong abala ang pamahalaang lungsod sa tulong ng mga opisyal ng barangay at mga magulang na nagboluntaryong magpatuloy sa mga delegado para sa tatlong araw na kompetisyon.
“Ang pagiging host ng Batangas City ay isang pagkakataong maipakita sa buong Calabarzon ang galing ng mga Batangueno hindi lamang sa kanilang kakayahan kundi maging ang pagtanggap at pag-aasikaso ng bisita, sabi ni Bueno.”
Sa mensahe ni Mayor Beverley Dimacuha, sinabi nito na dapat ay maging inspirasyon ng mga kabataan ang mga Pilipinong manunulat tulad ni Juan Antonio Vargas na mula sa lalawigan ng Rizal.