NAG-SORRY na, sa pamamagitan ng interview sa ilang miyembro ng press, si Mercedes Cabral kay Mother Lily Monteverde ng Regal Entertainment kaugnay ng paggamit niya ng hindi magagandang salita sa kanyang Facebook post kamakailan.
Handa rin daw si Mercedes na personal na makipag-usap at humingi ng paumanhin kay Mother Lily kung magkakaroon ng pagkakataon.
Ang FB post ni Mercedes, na inamin niyang nakalimutan niyang i-restrict to friends, ay naglalaman ng reaksyon niya tungkol sa mga nagsasabing hindi akma ang pagpapalabas ng indie films tuwing Kapaskuhan kung kailan ginaganap ang MMFF. Ang nakapasok kasing walong official entries sa MMFF ay itinuturing ng karamihan na indie films.
Bagama’t hindi pinangalanan ni Mercedes si Mother Lily sa kanyang FB post, naiugnay pa rin ang pangalan ng Regal matriarch dahil ito nga ang vocal na nagsalita sa isang interview na hindi dapat sa Kapaskuhan ipinalalabas ang indie films at may ibang panahon na nababagay para ipalabas ang mga ito. Ang entry ng Regal na “Mano Po 7” ay hindi nakapasok sa MMFF 2016. Habang ang pelikulang “Oro” (Gold), na kinabibilangan ni Mercedes ay pasok sa Magic 8.
Mas lumaki rin daw ang isyu dahil sa paggamit niya ng cuss words. “I think hindi papansinin yung sinabi ko kung walang cuss words. Ang naging labas lang (ay) na-relate nila yung cuss words to Mother Lily, which is not (so). Kasi I was just reacting doon sa sinabi at doon sa nabasa ko na ang Pasko ay para sa bata at ang mga independent movies ay hindi dapat ipinapalabas sa Pasko,” sabi ni Mercedes.
Hindi rin daw niya minamaliit ang nagawa ni Mother Lily sa industriya gayun din ang mga pelikulang iprinodyus nito.
“If I’m gonna apologize, I apologize for the cuss words kasi lumabas siya. Pero I acknowledge lahat ng ginagawa ng Regal Films, yung mga na-produce ng Regal na magaganda, ano yung mga naitulong niya sa independent cinema, I acknowledge that.”
Gusto ring linawin ni Mercedes na hindi siya nag-post sa FB para lang gumawa ng ingay para sa publicity ng “Oro.”
Sa kabila ng kontrobersiya, masaya lang si Mercedes na nakapasok ang “Oro” sa MMFF Magic 8. Ang “Oro” ay tungkol sa community of miners na pinasok ng armadong grupong magpapanggap bilang environmentalists. Ang Kapitana ng barangay (Irma Adlawan) ay mangunguna sa pakikipaglaban sa kanilang karapatan para mapanatili ang kanilang pinagkukunan ng kanilang kabuhayan. Directed by Alvin Yapan and produced by Mark Shandii Bacolod for Feliz Film Productions, ang “Oro” ay mapapanood sa mga sinehan nationwide simula sa Pasko, Dec. 25. (GLEN P. SIBONGA)