KORONADAL CITY (PIA) – Sinusulong ngayon ng Department of Health (DoH) 12 ang pagkakaroon ng community fireworks display (CFD) sa pagsalubong ng Pasko at bagong taon sa halip ng paggamit ng mapinsalang paputok o firecrackers.
Mismo ang DoH 12 ang nanguna sa paglunsad noong Lunes ng “Oplan: Iwas Paputok, Fireworks Display ang Patok” sa City Hall lobby ng lungsod na dinaluhan naman ng daan-daang health workers ng naturang lugar.
Ayon kay Dr. Abdullah Dumama Jr., assistant secretary of health-Mindanao cluster, hinihimok nya ang lahat na magkaroon ng “alternative ways” sa pagdiwang ng Pasko at pagsalubong ng bagong taon.
Ito aniya upang maiwasan na may masaktan at masugatan. Dagdag nito pangunahing layunin ng DoH ang mapanatili ang kaligtasan ng bawat isa.
Hinimok din nya ang mga magulang na protektahan and kanilang mga anak laban sa paggamit ng mga bawal na paputok.