NOON pa man daw ay malaki na ang respeto ng actor-TV host na si Paolo Ballesteros sa drag queens na nagpe-perform sa bars dahil alam niya ang hirap ng mga ito para lang magmukhang mga babae sa paningin ng kanilang audience.
Hindi raw madali ang mag-show at magpatawa habang meron kang mga pilit na tinatago sa iyong katawan.
Naranasan na rin kasi ni Paolo ang mga ginagawa ng drag queens sa paggawa niya ng pelikulang “Die Beautiful” na isa sa official entries ng 2016 Metro Manila Film Festival.
Kaya tuwing nakakapanood siya ng drag shows, may malaking respeto si Paolo sa mga ito dahil alam niya ang mga pinagdaanan nila.
“Naku hindi madali huh!” tawa pa niya.
“Naranasan ko na ang mga ginagawa nila at tiis-ganda talaga.
“Pinakamahirap ay ’yung ipitin mo si Jun-Jun… para flat na flat at walang bumukol.
“Eh gano’n ang ginawa ko sa movie at pati na sa red carpet at awards night sa Tokyo International Film Festival. Nag-Angelina Jolie na ako, nag-Julia Roberts pa.
“Kumusta naman dahil ilang oras akong nagtiis na si Jun-Jun ay nakaipit lang. Hindi ako makaihi hanggang hindi matapos ang awards night!
“Tapos ’yung maglagay ka ng packing tape sa tiyan mo para mag-flat at magkasya ka sa gown.
“You can just imagine na noong nasa Tokyo kami, I had to do that myself dahil wala akong kasama na puwedeng tumulong.
“Kaya I take my hats off sa drag queens at drag performers kasi mahirap ang ginagawa nila. Physically parusa talaga.
“Kaya ako, ’yung mga pasa at peklat ng mga packing tape sa katawan ko ay pagmamalaki ko ang mga ’yan dahil it’s a sign ng pagtitiis at hirap na pinagdaanan ko habang ginagawa namin ang ‘Die Beautiful’,” pagtapos pa ni Paolo Ballesteros. (Ruel J. Mendoza)