Bibihisan ng Philippine Sports Commission (PSC) upang lalong mas mapalapit ang inoorganisa nitong mga torneo sa masa at pinakamaliliit na komunidad at probinsiya sa bansa pati na rin ang mga pambansang atleta sa isasagawa nito sa susunod na taon na 2017 Philippine National Games (PNG) sa Cebu City.
Sinabi ni PSC Chairman William “Butch” Ramirez na sa unang pagkakataon ay irerepresenta ng mga elite athletes at nasa national pool ang kanilang mga pinagsilangan at kinalakihang probinsiya sa taunang multi-sports na torneo na para sa mga nagnanais madiskubre at mapabilang sa pambansang koponan.
“All national athletes will be playing for their towns and provinces in the next PNG,” paliwanag ni Ramirez, patungkol sa torneo na isa sa mga pagbabatayan para sa mga atletang nagnanais na mapabilang sa pambansang delegasyon na sasabak sa 2017 Southeast Asian games sa Kuala Lumpur, Malaysia.
“This will be the time also when we will try to unify all those national sports associations that had internal issues,” sabi pa ni Ramirez. “Let me clear it first, na we are not meddling or intervening but we are after the welfare of the athletes because our lawmakers and even our president has issued that no unity, no funding,” pagpapaliwanag ni Ramirez.
Balak gayahin ni Ramirez ang kada apat na taong format ng China Games kung saan lahat ng pinakamagagaling na atleta sa bawat lungsod at probinsiya sa bansa kung saan nakatayo ang hinahangaang Great Wall ay kasali sa mga itinakdang laro upang makadiskubre at mapili ang ipinapadala nito sa Asian Games at Summer Olympics.
Pag-aaralan din ng PSC sa mismong pag-oobserba sa mga magwawaging atleta ang kanilang mga kahinaan at mga bagay na kaya pa nitong mapataas sa bawat indibidwal na atleta upang mas maging de-kalidad at mapaangat pa ang tsansa na makapagwagi ng mga medalya.
Ang ibang madidiskubre nitong talento ay isasailalim din sa iba’t-ibang uri ng mga pagsasanay tulad sa strength and conditioning at physical fitness test bago iendorso sa mga responsableng national sports associations (NSA’s).
(Angie Oredo)