KUNG may artista raw na hindi malilimutang nakatrabaho ni Superstar Nora Aunor, ito ay ang yumaong aktres na si Lolita Rodriguez.
Nagkasama sa pelikulang “Ina Ka ng Anak Mo” noong 1979 sina Nora at Lolita. Si Lino Brocka ang naging direktor nila.
Ginampanan nila ang papel ng mag-ina na nagkaroon ng ugnayan sa iisang lalake.
Sa naturang pelikula naging memorable ang linya ni Nora na “Hayop… Hayop!”
Naging official entry ng 1979 Metro Manila Film Festival ang “Ina Ka ng Anak Mo” at nag-tie pa sina Nora at Lolita sa pagiging MMFF best actress.
Pumanaw si Lolita noong Nov. 28 sa California, USA. Huling napanood ang premyadong aktres sa pelikulang “Lucia” noong 1992.
Inamin ni Ate Guy na idolo niya si Lolita.
“Idolo ko talaga siya. Siya talaga ang pinakaidolo ko sa lahat ng mga artista.
“Nabigla ako nang nawala siya. Nag-flashback ako noong gawin namin ang ‘Ina Ka Ng Anak Mo.’ Pasko ko rin siya pinalabas noon.
“Hindi ko siya makakalimutan dahil sa napakagaling niyang artista at napakabait na tao,” pag-alala pa ni Ate Guy.
Hindi raw malilimutan ng Superstar ang isa sa mga eksenang kinunan para sa “Ina Ka ng Anak Mo.”
“Sa isang eksena namin, nakahiga lang siya at kinukunan ako ni direk Lino . Habang nagte-take ako, umaarte rin siya.
“Arteng-arte talaga na parang kinukunan rin siya ng camera.
“Isa ‘yon sa mga hindi ko makakalimutan sa kanya. Talagang sobrang mabait sa mga kasamahan niya.
“’Yung iba, kapag hindi kinukunan, nandoon lang sila. Bahala ka sa sarili mo kung ikaw lang ang kinukunan. Siya, hindi,” kuwento pa ni Ate Guy.
Nagpapasalamat naman si Ate Guy na nakasama sa Magic 8 ng MMFF ang “Kabisera.”
“Ang mga manonood ngayon kasi, hindi nila naabutan ang mga naging entries noon ng MMFF na puro mga dekalidad na drama movies.
“Nandiyan ang ‘Atsay,’ ‘Ganito Kami Noon… Paano Kayo Ngayon,’ ‘Rubia Servios,’ ‘Paradise Inn,’ ‘Bona,’ ‘Karma,’ ‘Himala,’ ‘Moral’… ito ang mga pelikulang tinatangkilik noon.
“Nasanay na kasi ang mga manonood ngayon sa mga comedies. Hindi natin sila masisisi.
“Ang sa akin lang, nagpapasalamat ako sa MMFF committee dahil naibalik nila ang mga ganitong klaseng pelikula sa festival,” pagtapos pa ni Nora Aunor.