IKINALUNGKOT ni Alvin Yapan, direktor ng 2016 Metro Manila Film Festival entry na “Oro,” ang naging pahayag ni Nora Aunor sa isang interview nito.
Ayon kasi sa Superstar, wala raw kapatawaran ang ginawa ni direk Alvin sa kanya matapos siyang palitan bilang lead actress ng “Oro.” Nagka-isyu kasi sa pagitan nina direk Alvin at Nora, kaya nauwi sa ganito ang desisyon. Si Irma Adlawan ang pumalit kay Nora sa role ng Kapitana sa “Oro.”
“Nalulungkot ako na ganun ang iniisip niya. Pero kailangan kong ulitin na yung mga pagpapasiya ko ay isang propesyunal na desisyon. Kasi sa palagay ko, hindi ko matatapos yung pelikula sa deadline na ibinigay sa akin ng producer kapag iyong parehong kundisyon ng pag-shoot ko ay ganun pa rin with her around. Kinakailangan ko talagang magdesisyon.
“Sabi ko nga, sino ba naman ako para kalabanin siya, siya ay ang Superstar, I am a nobody. Nandoon siya, tapos, sa kabila kinakailangan ko ring bantayan yung demands ng producer sa akin. So, kumbaga, ako ito nasa gitna ng dalawang nag-uumpugang napakalalaking bato. So, ano ang gagawin ko?
“Ang gagawin ko talaga ay mapagkadirektor. At bilang direktor, ang trabaho ko ay tapusin ang pelikula. Ginawa ko iyon at nakapasok pa sa Metro Manila filmfest, kaya tuwang-tuwa ako. Iyon lang nalungkot ako na ganun yung iniisip niya, pero it was a professional decision on my part,” sabi ni direk Alvin.
Sumama ba ang loob niya sa sinabi ng Superstar?
“Hindi talaga. Ako kasi hindi ko ito pinepersonal talaga. Kaya gusto ko na rin sanang mamatay yung isyung ito. Kasi ang gusto kong pag-usapan ay iyong pelikula. Ayokong biglang pag-usapan ay kaming dalawa ni Nora. Kasi hindi ko naman ito ginawa para sumikat o gumamit ng pangalan ng kahit sino.”
Kung mabibigyan ng pagkakataon, gusto niya bang magkausap sila ngayon ni Ate Guy? “Maybe not now. Kasi kung ngayon ko iyon gagawin baka sabihin ay ginagamit na naman. Hindi talaga. Maybe in the future given the right material, kasi alam ko na yung atake ni Nora as an actress, maybe mayroong right material na magpi-fit sa kanya at magka-work ulit kami. But definitely not now, kasi masyado pang magulo at hot na hot ang topic. Gusto ko na munang mamatay na yung isyu kasi baka matabunan pa yung mismong tema at mensahe ng ‘Oro’.”
Ano na lang mensahe niya para kay Ate Guy?
“Good luck sa kanyang Kabisera. Natutuwa akong pareho kaming nakapasok pa rin sa Magic 8 ng Metro Manila filmfest.”
Produced by Mark Shandii Bacolod for Feliz Film Productions, ang “Oro” ay mapapanood sa mga sinehan nationwide simula sa Dec. 25. (GLEN P. SIBONGA)