Hiniling ng isang labor group kay President Duterte na ibasura ang inihandang kautusan ng Department of Labor and Employment (DoLE) ukol sa contractualization bago pa ito maipatupad sa susunod na linggo.
Sa isang text message, sinabi ni Associated Labor Unions (ALU) spokesperson Alan Tanjusay na dapat i-reject ni Duterte ang naturang department order (DO) dahil salungat ito sa pangakong kanyang binitawan noong panahon ng kampanya na bubuwagin niya ang contractualization.
“We urge Pres. Duterte to disapprove the draft DO and ask DoLE to make the DO aligned with his promise to the Filipino people to end contractualization,” sabi ni Tanjusay.
Inilabas ng labor leader ang kanyang pahayag isang araw matapos i-anunsiyo ng DoLE ang salient points ng DO, lalo na ang pagpapanatili ng contractualization ngunit ipagbabawal na ang subcontractors.
Ayon kay Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III, isusumite muna nila ang DO kay President Duterte para sa kanyang konsiderasyon bago nila ito ipatupad sa susunod na Miyerkules. (Samuel Medenilla)