Isang posibleng gintong medalya ang agad na mawawala sa hinahangad na maiuwi ng Pilipinas sa pagkampanya nito sa 29th Kuala Lumpur Southeast Asian Games bunga ng hindi paglahok ni 2016 Rio De Janeiro Olympic Games silver medalist Hidilyn Diaz.
“Walang babae sa SEA Games weightlifting,” direktang pahayag kahapon ni Philippine Weightlifting Association (PWA) president Monico Puentevella sa pagdalo sa ika-80 kaarawan ng matalik nitong kaibigan at kapwa naging commissioner sa Philippine Sports Commission na si Philippine Lawn Tennis Association (PHILTA) president Salvador Andrada.
“We will only be sending Nestor Colonia, Jeffrey Garcia and John Paolo Rivera Jr.,” sabi ni Puentevella.
Hindi pinayagan ng host na Malaysia Southeast Asian Games Organizong Committee ang halos buong mga laro na tampok ang mga kababaihan dahil sa sinusunod nitong kultura.
Sinabi ni Puentevella na pagkakataon na para kay Incheon Asian Games at Rio De Janeiro Olympian Nestor Colonia na ipakita na karapat dapat siya manatili sa pambansang koponan matapos ang dalawang sunod nitong masaklap na kabiguan sa internasyonal na torneo.
“Dalawang ginto na ang naging bato pa sa kanya,” sabi ni Puentevella, patungkol sa naging kampanya ni Colonia sa IWF World Weightlifting Championships sa Houston, Texas at sa nakalipas na 2016 Rio De Janeiro Olympic Games sa Brazil.
“He could be a millionaire by this time,” sabi pa ni Puentevella.
Bibigyan din nito ng pagkakataon si Garcia na patunayan sa kanyang sarili na kaya na rin nitong makipagsabayan sa pinakamahuhusay na weightlifting sa rehiyon.