Pinaigting ng Land Transportation Office (LTO) ang kampanya laban sa mga nagmamaneho ng lasing lalo na ngayong panahon ng Kapaskuhan.
Nagbabala si LTO chief Assistant Secretary Edgar Galvante na malaking multa ang naghihintay sa mga sasalungat sa batas at patuloy na magmamaneho ng sasakyan habang lango sa alak.
Ayon sa kanya, papatawan ng mula P30,000 hanggang P80,000 multa at sususpendehin ng hanggang isang taon ang lisensiya ng mga mahuhuli dahil sa drunk driving.
Sinabi pa ni Galvante na maaaring hindi na payagang makapagmaneho pa ang isang driver kung sakaling makaka-aksidente at magiging dahilan ng pagkasugat at pagkamatay ng ibang tao.
“We have been warning them even before. (And this applies) not only for this period, but for all seasons. Apparently, the public does not heed and some dare to drink and drive,” dagdag pa niya. (Vanne Elaine P. Terrazola)