Mula Superliga pa-Thailand si Valdez.
Hindi sa Philippine Superliga at hindi rin sa Shakey’s V League maglalaro ang tinaguriang ‘Philippine volleyball superstar’’ na si Alyssa Valdez.
Nakatakdang maglaro para sa isang club team sa Thailand ang three-time UAAP Most Valuable Player.
Ito’y pagkaraang kunin ang kanyang serbisyo ng koponan na 3BB Nakornont para sa second round ng kanilang kampanya sa Thailand League hanggang sa Thai-Denmarl League sa Abril ng taong 2017.
Pormal na inihayag ng koponan ang nakataldang paglalaro sa kanila ni Valdez sa kanilang Facebook page noong bisperas ng Pasko.
“3BB Nakornonnt is set to fight even harder in 2017’s Volleyball Thailand League as the team officially signs Philippine star Alyssa Valdez,” ang paglalahad na ginawa nila sa Facebook.
“Head coach Acting Sub. Lt. Thanakit Inleang (Coach M) believes in her attacking and defensive skills which will strengthen the team in Leg 2 of the league and the Thai-Denmark Super League.”
Ang 3BB Nakornonnt ang siya ring koponan ng mga nakaraang Thai imports ng Bureau of Customs sa V League na sina Som Kuthaisong at Nic Jaisaen.
Hawak ng koponan ang 3-2 panalo-at-talong rekord sa Thailand League.
Kalahok din sa naturang liga at nakatakdang makalaban ng koponang lalaruan ni Valdez ang Bangkok Glass.
Magbabalik-aksyon ang Thailand League sa Enero 7 kung saan unang sasabak si Valdez bilang miyembro ng 3BB Nakornonnt. (Marivic Awitan)