Humablot ng apat na medalya ang inaasam na bagong mamumuno sa Philippine gymnastics na si Carlos Yulo sa pagwawagi ng isang ginto, dalawang pilak at isang tanso sa paglahok nito sa ginanap na 2016 Mikhail Vosconin Cup sa Moscow, Russia.
Hindi ininda ng 16-anyos na si Yulo ang pagkakaroon ng trangkaso upang dominahin ang event na rings upang angkinin ang gintong medalya matapos lampas an ang mga powerhouse na kalaban mula sa Japan at host Russia.
Una nang nagpamalas ng husay si Yulo, na isa sa mga kabataang atleta sa bansa sinusuportahan ng Olympic Solidarity Movement ng International Olympic Committee sa pagwawagi ng pilak sa Vault at Parallel Bars.
Kinumpleto ng inaasam na maging representante ng bansa sa 2020 Tokyo Olympics ang high-level tournament sa una nitong pagwawagi ng tanso sa Individual All Around Finals.
Ang torneo ay nilahukan naman ng 29 na bansa kabilang ang mga kinikilala sta Europa at Asya.
Ikinatuwa naman ni Gymnastics Association of the Philippine President at Head of Phl Delegation Cynthia Carrion ang tagumpay ni Yulo na nakatuon sa tamang direksiyon para sa asam ng asosasyon na makatuntong ito bilang unang gymnast na nakapasok sa Tokyo Olympics.
“We hope he could continue with his success. He already had won in last year’s World Championships, then in the Asia-Pacific Rim in April and now in Europe,” sabi ni Carrion. “Caloy got a bad cold and I did too, in spite of that, he won, he has the stature, built and movement of a champion,” sabi pa nito.
Si Yulo ay kasalukuyang nakabase na sa Japan kung saan nito nagsasanay sa ilalim ng coach na si Munehiro Kugi-Miya at nakatakdang lumahok sa Asian Championships sa Mayo, 2017. (Angie Oredo)