MULA sa pagiging isang kilalang male model sa Cebu, ganap na aktor na si J.R. Versales dahil sa pelikulang “Seklusyon” na isa sa official entries ng 2016 Metro Manila Film Festival.
Taga-Labangon, Cebu si J.R. at isa siyang Hotel and Restaurant Management student sa University of Cebu.
Ayon kay J.R., tumigil siya ng kanyang pag-aaral dahil sa problemang pinansyal sa kanyang pamilya.
“I stopped noong second year college ako.
“Mother ko lang kasi ang nagwu-work noon. My father passed away four years ago. Dalawa kaming nag-aaral ng ate ko.
“Kaya ako na ang tumigil para ang ate ko ang magpatuloy.
“Naghanap ako ng paraan para makatulong ako sa mga panggastos namin araw-araw.
“That’s how I got into modeling sa Cebu.
“I modelled for designers. Mga formal and casual wear. Never pa naman ako nag-model ng underwear. Lagi po akong nakadamit!” sabay tawa niya.
Si direk Erik Matti raw ang pumili sa kanya para sa role ng isang deacon sa “Seklusyon.” Pinag-acting workshop siya at inalalayan siya habang nagsu-shooting sila.
“Malaki ang pasasalamat ko kay direk Erik kasi noong una ay hirap akong magbigkas ng Tagalog words. Malalalim pa naman ang mga Tagalog sa script ng “Seklusyon.”
“Kaya nagpapasalamat ako sa patience na pinakita niya sa akin.
“I really tried my best na mawala ang puntong bisaya ko. Pinaulit-ulit akong magbasa ng Tagalog para masanay ang dila ko,” kuwento pa niya.
Dahil sa bagong career niya sa Manila, pansamantalang iiwan muna niya ang kanyang hometown.
May mami-miss ba siya roon bukod sa kanyang pamilya?
“Aside from my family, wala na akong ibang mami-miss.
“Wala naman akong girlfriend. We broke up three years ago.
“Naging priority ko ang pagtrabaho noon dahil sa pamilya ko. Parang hindi niya naintindihan iyon kaya naghiwalay kami,” pagtapos pa ni J.R. Versales. (RUEL J. MENDOZA)