Posibleng bihisan na lamang muli ang 82-taong Rizal Memorial Sports Complex kung hindi masisiguro ang sapat na pondo na gagamitin para sa pagtatayo ng inaasam na siyentipiko at nagtataglay ng mga makabagong pasilidad na National Training Center sa Clark, Pampanga.
Ito ang sinabi mismo ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William “Butch” Ramirez hinggil sa posibleng muling pag-rehabilitate sa pinaka-unang sports complex sa bansa sakaling hindi matuloy ang pagtatayo ng inaasam na bagong sports complex na planong itayo sa Clark Green City.
“Without exact money, we will not sign,” sabi ni Ramirez patungkol sa paglilipat ng karapatan sa pamamahala sa mga pasilidad at lupain na kinatatayuan ng sports complex sa Vito Cruz, Malate, Manila.
“We would like to thank the last PSC administration na nakaipon sila ng fund for a new sports complex. But hindi natin basta na lang maililipat ang pamamahala dito unless we are sure that iyung lilipatan natin ay magagamit natin for the athlete’s training as well as the agency,” paliwanag ni Ramirez.
Nakatutok si Ramirez na sakaling hindi makumpleto ang pondo para sa pagtatayo ng bagong sports complex sa loob ng Clark ay ipagpaptuloy nito ang pagpapasaayos ng pasilidad sa PhilSports Complex at tuluyang kumpunihin ang mga ginagamit na pasilidad sa Rizal Memorial Sports Complex.
“We will be refurbishing the A to J building in Ultra, plus the track oval and also put up a high-end modern training gym apart from that of the one being used in the Brent gym. Lahat ng mga lumang gamit ay irere-channel natin sa mga regional training centers para magamit doon ng husto,” sabi pa ni Ramirez.
Matatandaan na nakapag-iwan ng mahigit na P1-bilyong pondo ang dating administrasyon na pinamumunuan ni Richie Garcia bago pinalitan sa posisyon ni Ramirez.
“That P1-B fund is enough to rehabilitate Rizal Complex. After January, and nothing is final, then we will start to rehabilitate,” pagsisiguro ni Ramirez.
Unang itinayo ang Rizal Memorial Sports Complex noong 1934 para sa pagsasagawa sa bansa ng Far Eastern Games na mas kilala na ngayon na kada apat na taong Asian Games.