Tinatatayang nasa P2 milyong halaga ng pera at kagamitan ang tinangay ng mga magnanakaw mula sa bahay ng isang lawyer sa Quezon City isang araw matapos ang Pasko.
Ini-report ni Virginia Lim, 68, sa Quezon City Police District (QCPD) ang panloloob sa kaniyang bahay sa Diego Silang St. corner 20th Avenue, Barangay San Roque, Project 4.
Ayon sa kaniya, inihabilin lamang niya ang kaniyang tahanan sa mag-asawang Florence at Dencio Monar nang umalis siya kasama ang kaniyang pamilya patungong Baguio City kung saan nila ipinagdiwang ang Pasko.
Base sa police investigation, umalis ang mag-asawang Monar noong umaga ng December 26 para dumalo sa isang pagtitipon at siniguradong sarado ang bahay ni Lim.
Nang bumalik sila bandang 10:10 p.m., nakita ng mag-asawa na bukas na ang pintuan ng bahay ni Lim, at doon nila nalaman na wala na ang LED television sa kuwarto. Kaagad nilang tinawagan si Lim para ipagbigay-alam ang insidente.
Nang makauwi si Lim, nalaman niya na natangay ang kaniyang pera, cellphones at R1 milyong halaga ng alahas.
Sinisiyasat pa ng police ang insidente. (Vanne Elaine P. Terrazola)