Muling hiniling ni dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa Sandiganbayan First Division na payagan siyang makadalaw sa kaniyang amang si Revilla Sr., 89, na naka-confine ngayon sa St. Luke’s Medical Center.
Matatandaan na isinugod si Revilla Sr. sa ospital kamakailan lang dahil sa sepsis dulot ng pneumonia. Pinalabas siya ng ospital matapos magamot ngunit muli siyang dinala doon noong December 22 dahil sa kidney injury.
Ayon sa urgent motion in Revilla, ginagamot pa rin at masusing mino-monitor ang kalagayan ng kaniyang ama sa ospital.
“Due to his inability to eat on his own, he will be undergoing Percutaneous endoscopic gastronomy tube insertion procedure, and is expected to be confined at said hospital for another seven to 10 days or until January 3, 2017,” ayon sa motion ni Revilla.
Dahil dito, hiniling ni Revilla sa korte na pagayan siyang mabisita ang kaniyang ama sa December 28 o 29 mula 6 a.m. hanggang 12 p.m., at sa December 31 at January 1, 2017 mula 2 p.m. hanggang 8 p.m.
Kasalukuyang nakakulong si Revilla sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City, at nahaharap sa kasong graft at plunder dahil umano sa maling paggamit ng kaniyang priority development assistance fund (PDAF).
(Czarina Nicole O. Ong)