SAN FERNANDO (PIA) – May kabuuang lawak na 964 na ektarya sa 40 lugar sa probinsya ang nakapaloob sa Enhanced National Greening Program (ENGP) ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) para sa taong 2017.
Sa isang stakeholder’s consultation na isinagawa kamakailan, na dinaluhan ng mga lider ng mga peoples’ organizations at mga kinatawan ng mga gobyernong lokal, ibinahagi ng PENRO-La Union ang layunin nitong i-develop ang mga NGP areas para makatulong sa pag-unlad at pagpapabuti ng kalagayang pang-ekonomiya ng mga tao.
Ang ENGP sa probinsya ay maipapatupad sa pagtutulungan ng mga lokal na gobyerno, mga ahensyang tulad ng Department of Agriculture, Department of Agrarian Reform, Department of Science and Technology, National Commission for Indigenous Peoples at mga state colleges and universities.
May kabuuang pondo na 15 milyong piso ang gagamitin para sa implementasyon ng ENGP sa probinsya.
Kabilang sa mga itatanim sa mga mangrove areas ay bakawan, agoho, talisay, avicennia; timber (yemane, mahogany) at fruit trees tulad ng cacao, coconut at guyabano.
Magtatanim rin ng mga kawayan bilang alternatibong mga species.