Kinasuhan ng police ang isang vendor dahil sa pagbebenta ng mga paputok sa Alabang, Muntinlupa, sa kabila ng umiiral na total firecracker ban ordinance sa lungsod.
Isinampa ng Muntinlupa Police laban kay Michael Tombaga, 32, sa Muntinlupa City Prosecutor’s Office noong Huwebes ang kasong paglabag sa City Ordinance 14-092, na nagbabawal sa pagbebenta, pamamahagi, pag-aari at paggamit ng firecrackers at pyrotechnic devices.
Ayon kay Muntinlupa Police chief Senior Supt. Nicolas Salvador, nahuli noong December 28 si Tombaga sa aktong nagbebenta ng mga paputok sa Montillano Street, Alabang. Siya ang kauna-unahang tao na sinampahan ng kaso dahil sa paglabag sa naturang ordinansa ngayong kapaskuhan.
Na-recover sa kanya ang 90 pla-pla, tatlong sawa, apat na Judas belt, isang trompillo, 36 kahon ng piccolo, apat na jumbo silver fireworks, 16 silver fountains, 40 Roman candles, 732 kwitis, 80 baby rockets, 16 Happy Ball, dalawang kahon ng Poppop, walong candle fountains, 100 Comoirs fountains at 45 Mabuhay fountains. (Jonathan M. Hicap)