USAP-USAPAN ang makahulugan at malamang speech ni Irma Adlawan nang manalo siyang Best Actress para sa pelikulang “Oro” sa Gabi ng Parangal ng Metro Manila Film Festival 2016 noong Disyembre 29 sa Kia Theater. Inilahad kasi niya ang kanyang kasiyahan sa nangyaring pagbabago sa MMFF ngayong taon.
Ayon kay Irma, “Who would have thought na makakatayo po ako dito sa harapan ninyo during an MMFF? Ang mga katulad ko po ay lagi lang nanay ng bida, laging kapatid ng anak ng bida, laging ganito. Nagpapasalamat po ako nang marami sa bumubuo ng execomm ng MMFF. Sana po ay lumawig ang inyong tribu at dumami pa kayo. Dahil po sa tapang ninyo, nagkaroon ng pagbabago.
“Sa bumubuo po ng selection committee, maraming-maraming salamat po at napili n’yo po ang walong napakagandang mga pelikula. To the jury, thank you very much for the honor. I’m speechless, but I’ve been saying so many things. There are so many people to thank, my ‘Oro’ family, Feliz Guerrero (executive producer) sa tapang mo na gawin ito, my director Alvin Yapan for believing that I can do it, my producer Shandii Bacolod for always being by my side.
“At gusto ko rin pong pasalamatan ang dalawang anak ko na nandito, my Benjamin and Mara Paulina, for always being there to support me.”
Tinawag din sa stage ni Irma ang tunay na taong ginampanan niya sa “Oro,” si Kapitana Mercy. Ang “Oro” (Gold), na based on true events, ay tungkol sa community of miners na pinasok ng armadong grupong nagpanggap bilang environmentalists. Ang Kapitana ng barangay ay nanguna sa pakikipaglaban sa kanilang karapatan para mapanatili ang pinagkukunan ng kanilang kabuhayan.
Apat na minero ang pinatay ng armadong grupo at hanggang ngayon ay hindi pa nabibigyan ng hustisya.
Naging emosyonal si Kapitana Mercy nang magsalita. “Napakalungkot ng mga nangyari, siguro year 2014. Kung ano po ang nandiyan sa ‘Oro,’ iyan po ang totoong istorya. Napakasakit, napakahirap, napakabigat. Tungkulin ng isang kapitanang ipaglaban ang aming karapatan. Pasalamat ako sa lahat-lahat ng bumuo ng pelikulang ito.”
Sa huli, may dagdag mensahe pa si Irma. “Maraming-maraming salamat po at ipagpatuloy natin ang pagbabago!”
Bukod kay Irma, pinarangalan din maging ang iba pang mga artista sa ‘Oro’ dahil iginawad sa kanila ang Best Ensemble Cast award. Kabilang sa cast sina Joem Bascon, Mercedes Cabral, Sandino Martin, Biboy Ramirez, Sue Prado, Cedrick Juan, Timothy Castillo, Arrian Labios, Ronald Regala, Tracy Quila, Acey Aguilar, at Sunshine Teodoro.
Nakuha rin ng “Oro” ang FPJ Memorial Award for Excellence. Palabas pa ang “Oro” sa mga sinehan nationwide.
(Glen P. Sibonga)