MARAMI na ngayon ang nakakakilala sa aktor na si Christian Bables dahil sa pagkapanalo nito bilang best supporting actor sa nakaraang 2016 Metro Manila Film Festival Gabi ng Parangal.
Nanalo si Christian dahil sa mahusay na pagganap niya bilang transgender-best friend ni Paolo Ballesteros sa pelikulang “Die Beautiful.”
Hindi napigilan na maiyak si Christian noong tanggapin niya kanyang unang acting award.
Inamin ng aktor na muntik na siyang mag-give up sa pag-arte dahil pakiramdam niya ay walang nangyayari sa kanya.
Lumabas na siya sa teleseryeng “Nasaan Ka Nang Kailangan Kita” ng ABS-CBN 2 at nakagawa siya ng indie films na “Anino” at “Bang-Bang Alley.” Pero sa comedy na “I Love You to Death,” kung saan gumanap siyang gay best friend ng bidang si Kiray Celis siya napansin ni direk Jun Lana at isinama siya sa “Die Beautiful.”
“Ilang taon na akong parating nag-a-acting workshop. Akala ko hanggang doon na lang.
“I took up several acting workshops at ABS-CBN under direk Rahyan Carlos, including ’yung master class ni Ivanna Chubbuck na acting coach from Hollywood.
“I was touched when she gave me a book. Dun sa book niyang ibinigay sa akin, may sinulat siyang dedication na she’s so impressed with me and she has seen me grow as an actor.
“I was ready to quit acting and move on to something else. Pero biglang dumating itong offer to do a gay role sa ‘Die Beautiful.’ I decided to give it another try,” diin pa niya.
Okey lang daw kay Christian na gumanap ulit siyang gay dahil challenging ang binigay na role sa kanya bilang si Barbs.
“Na-overwhelm ako sa reviews ng maraming tao.
“Magaganda ang mga sinasabi nila sa acting ko on social media.
“Hindi ko inaasahang manalo ng award. But it just came kaya sobra akong masaya dahil may napatunayan na ako sa tagal ko nang umaarte,” pagtapos pa ni Christian Bables. (RUEL J. MENDOZA)