Kabuuang 38 sports ang paglalabanan sa ika-29 edisyon ng Southeast Asian Games kabilang ang limang bagong saling sports na kinabibilangan ng kakaibang laro na bridge at tarung derajat.
Bagaman hindi kilala ang nasabing sports ay hindi na ikinagulat ng mga opisyales ng Philippine Olympic Committee (POC) at Philippine Sports Commission (PSC) ang pagkakasali ng nasabing mga laro dahil sa karapatan ng host na bansa na magsali ng kanilang ninanais paglabanan na disiplina.
Maliban sa Bridge at Tarung Derajat na kabilang sa category three ay isasagawa din sa unang pagkakataon sa kada dalawang taong torneo ang winter sports na ice hockey at ice skating pati na rin ang sports na cricket na kabilang sa mga laro na nasa category two. Ang 35 iba pang sports ay kabilang naman sa Olympic at Asian Games.
Una nang nakilala sa bansa ang larong Bridge kung saan nagawa ng mga manlalaro na makapagwagi sa una nitong paglahok sa Myanmar SEA Games habang hindi na rin napag-iiwanan ang Pilipinas sa sports na ice skating mula kay Winter Games veteran Michael Martinez pati na rin sa mga koponan sa ice hockey.
Tanging ang larong cricket na mga pambansang laro sa India at Pakistan ang hindi pa naisasagawa sa bansa pati na ang Tarung Derajat. Wala din na mga asosasyon na namamahala sa dalawang sports. (Angie Oredo)