SAN JOSE, Occidental Mindoro, (PIA) – Nakatakdang makatanggap ng tulong ang mga biktima ng bagyong Nina sa lalawigan mula sa ilang ahensya at lokal na pamahalaan.
Katunayan, nakaantabay ang Department of Agricuture (DA) Mimaropa sa opisyal ng ulat ng lalawigan hinggil sa lawak ng pinsala sa agrikultura, upang makapagpadala ng ayuda sa mga apektadong magsasaka.
Ang Office of Civil Defense (OCD) naman ay nakapagbigay na ng 200 sako ng bigas para sa mga nasalanta.
Ang lalawigan ay isa sa mga dinaanan ng bagyong Nina at naitala ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Sevices Administration (PAGASA) na ang ikawalong pagtama nito sa kalupaan ay sa isla ng Lubang. Sakop ng islang ito ang mga bayan ng Looc at Lubang.
Base sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), aabot sa halos R30M ang inisyal na pinsala sa infrastructure sa nasabing dalawang bayan. Ang Lubang ay may limang kabahayan na totally damaged samantalang 287 kabahayan naman ang partially damaged. Napinsanla rin ang anim na eskwelahan, isang health center, limang multipurpose building at iba pa.
Ang Looc naman ay may 17 kabahayan ang kabilang sa mga partially damaged na kabahayan gayundin ang tatlong eskwelahan at isang barangay hall. Ang municipal gymnasium naman ng Looc ay totally damaged.
Ayon kay Engineer Jeremy Villas, Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer ng Lubang, nakapagsagawa na ang kanilang tanggapan, katuwang ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), ng relief operations sa mga apektadong pamilya.