Ang police official na sinibak sa Manila Police District (MPD) matapos akusahang siyang nag-utos ng violent dispersal ng mga raliyista sa tapat ng US Embassy noong nakaraang Oktubre ay naatasan bilang assistant ground commander ng Eastern Police District (EPD) team na tutulong sa seguridad ng prusisyon ng Black Nazarene o Traslacion 2017 sa Manila sa Lunes.
Itinalaga si Senior Superintendent Marcelino Pedrozo Sr. bilang bagong Deputy District Director for Operations (DDDO) ng EPD noong nakaraan buwan, kapalit ni Senior Superintendent Ariel Arcinas na nalipat naman sa MPD.
Kasama si EPD Director Romulo Sapitula, pamumunuan ni Pedrozo ang 400 policemen mula sa EPD na itatalaga sa ruta ng prusisyon para masiguro ang kaligtasan ng mga deboto ng Black Nazarene.
Tutulong din ang EPD team sa pagmimintina ng trapiko sa lugar.
Matatandaan na noong nakaraang Oktubre, tinatayang nasa 50 protesters ang nasaktan sa violent dispersal habang 29 naman ang dinala sa MPD para maimbestigahan.
Inakusahan ng mga nagprotesta si Pedrozo na siyang nag-utos sa kaniyang mga tauhan na sagasaan ng police patrol vehicle ang mga raliyista. (Jenny F. Manongdo)