Kulungan ang bagsak ng dalawang lalaki na nahuli nitong Huwebes sa aktong gumagawa ng pekeng bleaching solutions.
Sinabi ng Quezon City Police District (QCPD) kahapon na nahuli nila sina Christian Cielo alias “Bonbon,” 30, at Ernesto Bañez, 26, habang gumagawa ng kanilang bersyon ng isang kilalang brand ng bleaching chemical sa kani-kanilang bahay sa Everlasting St., Barangay Payatas, Huwebes ng umaga.
Ayon sa pulis, nakatanggap ng impormasyon mula sa isang tipster ang QCPD special operations unit (DSOU) na nagtatago raw si Cielo sa isang bahay sa No. 12 Everlasting St.
Si Cielo ay wanted mula pa noong May 2016 dahil sa paglabag sa PD 1866 (Tthe Unlawful Manufacture, Sale, Acquisition or Disposition of Firearms, Ammunition or Explosives).
Nang madakip, umamin si Cielo na nagre-repack siya ng bleaching solutions na pinagbibili niya sa mga may ari ng sari-sari stores sa halagang P6 hanggang P30 depende sa laki ng bote.
Itinuro ni Cielo si Bañez na gumagawa rin ng fake bleaching solutions kung kaya’t dinakip din ang huli sa kanyang bahay. (Vanne Elaine P. Terrazola)